Anong Hanap Mo ‘teh?

Taking Manhood Back

Anong Hanap Mo ‘teh?

We continue our WHAT WOMEN WANT MEN TO KNOW BLOG SERIES: Our guest blogger today is Katerina Campomanes, blogger ng http://anglumangtsinelas.wordpress.com/

Ito ang blog niya:

“Anong hanap mo mam/ser?”

Kung lalagyan kita ng piring at dadalhin sa isang lugar, marinig mo lang ito, mahuhulaan mo na kung nasaan tayo. At kung may agam-agam ka pa kung saan ito, isahod pa ng mabuti ang iyong tenga.

“Bag, mam? Shoes, ser? Cellphone? Download, mam/ser?”

Tiyak, hindi ka na magdadalawang isip pa. Oo, nasa Greenhills ka.

Papuntang church, bahagi na ng linggo ko ang eksenang dadaan lang ako, magugulat pa’ko sa malakas na boses ng mga tindera, aalukin akong bumili ng samu’t saring tinda nila. Gusto kong sagutin, “matinong lalake, ate, ang hanap ko,” o kaya “pink na baboy na may berdeng pilik mata, at dilaw na ribbon sa leeg, meron kayo?”

Lagi kong pinipigilan ang sarili ko para itanong yun kasi alam ko walang silang ganun. Magpaltos man ang paa ko kakalakad sa Quiapo o masuyod ko ang Divisoria, wala akong mabibiling matinong lalake. Parang peace on earth at peace of mind. Baka yung pink na baboy, pwede pa.

Pero naisip ko, may pakakatulad din ang paghahanap ng matinong lalake sa pamimili o pagsha-shopping. Kailangan may shopping list pagpunta sa Greenhills. Kung wala, mabebentahan ka ng kung anu-ano kahit hindi ito kasama sa budget mo. Kung hind mo rin alam anong hanap mo sa isang lalake, mauuto mapapaniwala at mapapabili ka ng mga class A na pambobola ng kung sinu-sino.

Ano nga ba ang dapat hanap ng babae sa isang lalake?

May kwento ako…

Noong unang panahon, may isang matikas at maginoong lalake ang nagsabi nang:

Superman

“Kung papayag ka, gusto ko sanang maging leading man mo… Yung bibili ng gamot pag may sakit ka. Yung papakainin ka pag nagugutom. Yung pupunas ng luha or pawis mo. Yung may medyo malaking balikat na pwede mong sandalan… Remember, I’m just a text away.”

Kasabay nun, pinalitan niya ng litrato ni Superman ang Facebook profile picture niya.

Isang araw, naisip kong subukin ang kakayahan ng arkiladong Superman ko. Pagkatapos umiyak dahil sa isang pagsubok, tinext ko siya at sinabing:

“Nasaan ka? Nandito ako ngayon sa mall. May problema ako…”

Ang kanyang sagot:

“Ganun ba? Gusto kitang puntahan ngayon pero may kailangan lang akong asikasuhin. Tawagan kita mamaya, usap tayo.”

Superman pala, ah. May pa-I’m-just-a-text-away ka pa dyan. Hindi sa panunumbat o paninisi, alam kong pick up lines lang ang mga iyon. Alam ko na rin na walang lalake ang susulpot palagi sa lahat ng oras ng pangangailangan. Pare-pareho tayong mga tao, may kanya-kanyang limitasyon lang.

Kaya ang hanap ko sa lalake, hindi yung feeling siya si Superman na kayang gawin ang lahat gamit ang kanyang superpowers. Ang hanap ko ay yung alam niyang hindi siya si Superman pero NASA LIFE NIYA SI JESUS na higit pa kay Superman.

Nasa kanya si Jesus na nagbibigay ng kalakasan para magtanggol at mag-aruga, karunungan para mamuno ng tama, at kakayahan para ipakita ang pagmamahal sa bukod tanging babae sa kanyang buhay nang walang hinihinging kapalit.

Ang muscles lumiliit. Ang abs naging flabs. Ang hairline umaakyat. Pero ang lalake na habang buhay nakakapit kay Lord, habang buhay din super macho at super astig.

matinong lalakiSi Katerina ay isang single-mom na nakapagtapos ng kurso sa pagna-nars at ngayon ay nagtatrabaho bilang isang teller sa bangko. Malapit man o hindi ang kurso sa trabahong pinasukan, hindi na iyon mahalaga kay Katerina. Ang importante, naniniwala siya na ang bawat araw ay isang regalo mula sa Diyos at dapat ipag-pasalamat.

Eto ang blog ni Katerina: http://anglumangtsinelas.wordpress.com/

 

Comments are closed.